Home » Archives » November 2009
Ang babaeng puro pahinga! Para siyang softdrinks, gagawin niyang "cool" ang buhay mo!

Bakit May Two Timer?

November 15, 2009

Ang isa sa pinakamasakit na mangyayari sa isang relasyon eh yung malaman mo na pinagtataksilan ka ng taong mahal mo. Pinagkakatiwalaan mo siya ng buong buo yun pala hindi mo alam na habang naghihintay ka ng text o tawag niya eh nakikipaglambingan na pala siya sa iba. Ang sakit! Parang ang sarap pumatay ng tao. Aaminin ko, galit ako sa mga taong katulad nila dahil minsan na rin akong nabiktima ng mga gagong un. Nakakatawa nga dahil sa sarili niyang katangahan ko pa siya nahuli. Ang lupet! Pero minsan natanong ko sa sarili ko, ano nga ba ang dahilan bakit may mga taong kagaya nila? Bakit nila nagagawa yun? Sa pagkakataong ito, lawakan natin ang ating isipan at subukan natin silang unuwain dahil baka naman….

  • Nabobored na siya - hindi ka na siguro katulad ng dati na sweet at thoughtful. Kung dati ang dialogue mo “tara hatid na kita baka anong mangyari sayo sa daan.” eh baka ngayon “magtext ka nalang kung nasa bahay ka na hah.” O baka naman sa 10 taon niyong pagsasama eh hindi mo pa siya nailalabas para magdate? Eh talaga namang mababagot yun at maghahanap ng iba.
  • Di siya makuntento - aminin natin na minsan talaga hindi tayo makuntento sa kung anong meron tayo kaya naghahanap pa tayo ng “MAS”, mas maganda, mas sexy, mas mayaman o kaya mas malambing, mas masarap, mas magaling. Kung ganun malamang ngang maghahanap at maghahanap yun ng ibang tutugon sa pagkukulang ng isa.
  • Mahina siya sa tukso - may mga tao talagang mahina sa tukso. Kahit di nila gustong gawin, wala silang palag dahil palay na mismo ang lumalapit. Tao lang ako, yun ang lagi nilang dahilan.
  • Hindi siya makapili kung sino talaga ang mahal niya - minsan magugulat na lang tayo paggising natin sa umaga marerealize natin na unti unti na pala tayong nahuhulog sa ibang taong madalas nating kausap o kasama. Tapos magiisip tayo ng magiisip kung sino ba talaga ang mahal natin pero dahil sa hindi tayo makapali, ang tanging paraan ay ang pagsabayin sila.
  • Naghahanap ng atensiyon - baka naman wala ka nang oras sa kaniya. Puro nalang pagdodota, pagbabanda o pagaaral ang inaatupag mo. Baka hindi mo narin napapansin ang bagong niyang rebonded na buhok at facial na mukha kaya naghanap ng ibang taong magbibigay ng mas maraming atensiyon.
  • Nagsasawa na siya - ang mga tao mabilis magsawa, maumay, gusto laging bago. Ganun talaga tayong mga tao eh, walang permanenteng kasiyahan. Kaya nga hindi tayo nagiging lubusang masaya dahil hindi tayo marunong makuntento.
  • Gustong maghiganti - eto yung mga taong nabiktima na rin ng mga salawahan at gustong maghiganti. Ganito ang kadalasan nilang sinasabi, “May babae ang boyfriend ko kaya manlalalaki rin ako para maramdaman rin niya kung ano ang nararamdaman ko. Bakit siya lang ba may karapatang manloko?!?”
  • Gusto lang magmayabang at patunayang malakas ang appeal niya - mas maraming boyfriend/girlfriend, mas malakas daw ang dating. Minsan gusto lang din nilang magmayabang sa tropa na marami siyang girlfriend/boyfriend dahil gwapo/maganda siya.
  • Gusto niya ng may reserba - marami sa atin takot masaktan at maiwanang mag-isa kaya para maiwasan yun, minsan naghahanap tayo ng pang reserba. “Atleast sigurado kang may magsasalo sa iyo kung saka sakali mang iwanan ka ng isa.” - Yan ang kadalasan nilang sinasabi.
  • Sadyang likas na sa kaniya ang maging babaero/lalakero - wala tayong magagawa kung sadyang ganiyan ang boyfriend/girlfriend mo, makati, dahil kahit anong gawin mo, mangbababae at manglalalaki yang jowa mo dahil ipinanganak na siyang ganiyan. At hindi malayong mangyari na mamatay na rin siyang ganiyan. Naku wag naman sana!

Sa ngayon yan palang ang naiisip kong maaring maging dahilan. Kung may iba pa, yun ay di ko na alam. Kaya sa mga taong naging biktima ng pagtataksil isipin din natin na baka tayo ang may pagkukulang. Para naman sa mga “two timer”, minsan sana wag maging manhid, isipin niyo rin na sa gagawin mong yan, may taong masasaktan. Hindi ba’t masakit kung sa iyo gagawin yan ng taong mahal mo? Mabilis ang karma at ang masaklap dumarating yan sa pagkakataong hindi mo inaasahan. At kapag tinamaan ka ng karma, triple ang balik niyan sayo, MANIWALA KA!

Posted by lizeth at 1:46 am | permalink | comments[4]