Mahirap Maging Babae!
April 12, 2009Dalawa lang naman ang tao sa mundo, ang lalaki at ang babae. Pero parang naging madaya yata ang tadhana para sa aming mga babae. Kung akala ninyo masaya at madali lang ang maging babae, nagkakamali ka. Mahirap po. Tulad nalang noong unang panahon, ang mga babae ay di binibigyan ng karapatan para makapagaral o makapagtrabaho man lang. Ang tingin nila sa mga babae, mga alipin - sinasaktan, binubugbog, kinukulong sa bahay, ginagawang “sex slave” at tinatapakan ang pagkatao. Pasalamat na lang kami dahil hindi na namin inabot ang panahong yoon pero kung iisipin at babalikan mo, nakakalungkot parin.
Sinong babae ang di nakakaranas ng buwanang dalaw? Yun pa nga lang ay isa nang malaking parusa para sa amin. Lalo pa’t kapag sinumpong kami ng “Dysmenorhhea o menstrual cramps” na kung saan sumasakit ang puson ng sobra sobra na kahit anong gawin mo, hindi nawawala ang sakit. Kaya nga nauso ang pangaasar na kapag masungit at mainit ang ulo ng babae, ibig sabihin may dalaw. Totoo po yun dahil sobrang sakit talaga nun. Isusumpa mo talagang maging babae pag naranasan mo yun!
Mahirap din maging babae pagdating sa pagibig. Bakit? Simple lang. Dahil hindi kami pwedeng manligaw. Kami pa ang dapat maghintay para sa taong gusto namin. Pano nalang kung hindi dumating ang panahon na ligawan kami ng tanging lalaking natitipuan namin, mamumuti nalang ba ang buhok namin kakahintay dahil hindi kami pwedeng gumawa ng “first move”? Hay buhay!
Sa lalaki, walang nawawala, pero sa mga babae, ang pagkabirhen namin ang tanging yaman na pinakakaingat ingatan namin. Pero minsan may mga lalaking pilit na inaagaw yun sa amin. Pwersahan kaming pinipilit sa gusto nilang mangyari, rape kung tawagin. Ang lalaki ba narerape? Hindi. Ang mga babae lang.
Sabi nila, ang mga lalaki daw ay likas na babaero at hindi makuntento sa isa. Kung totoo man yun hindi mo ba alam na babae nanaman ang magdurusa. Hindi lamang dahil masakit sa damdamin ang malaman namin na may ibang babae ang lalaking minamahal namin pero kapag dumating sa puntong nagkasakit na ang lalaki dahil sa paggamit sa iba’t ibang mga babae, ang mga babae nanaman ang kawawa. Kadalasan kasi kapag tinamaan ng STD (Sexually Transmitted Disease) ang lalaki, hindi sila nakakaramdam ng kahit anong sintomas, kaya hindi nila alam na may sakit na pala sila. Pero kapag nahawaan na niya ang babae, kami ang makakaramdam ng lahat ng hirap na dulot ng sakit na STD. Unfair diba?
Hindi dadami ang tao sa mundo kung walang babae. Walang lalaki kung walang babae. Walang tao kung walang babae. Dahil kami lamang ang may kakayahang manganak at magdala ng bata. Sabi ng mga nanay natin, ang pagdadalang tao daw ang pinakamahirap na tungkulin ng isang babae. Walang kasing hirap ang manganak at magluwal ng sanggol. Dadalhin namin ang bata ng 9 na buwan. Titiisin namin ang hirap ng pagbubuntis lalo na ang hirap ng panganganak. Buhay namin ang nakataya, kalahati ng katawan namin nakabaon sa hukay sa tuwing magdadalang tao ang isang babae. Pagkatapos kami rin ang maghihirap sa pagpapalaki sa kanila. Malas pa kung iiwanan din lang kami ng lalaking kasama namin sa paggawa ng batang iyon. Isang panghabang buhay na paghihirap.
Marami pang dahilan bukod dito kung bakit nasasabi kong mahirap maging babae. Marahil kulang ang isang araw para maisulat ang lahat ng iyon. Siguro hindi niyo malalaman kung gaano talaga kahirap hanggat hindi niyo mararamdaman. Kaya sana sa bawat hirap na pinagdadaanan ng isang babae, hiling namin na maisip rin ninyo kung paano pahalagahan ang mga katulad namin. Dahil mahirap man, makakayanan namin lagpasan ang lahat ng iyon kung may mga taong marunong magpahalaga sa bawat sakripiyo at pagtitiis namin alang alang sa inyo. Ang mga babae ay nilikha ng Diyos para sa mga lalaki, para may makakasama siya sa pagtakbo ng buhay kaya nararapat lang siguro na iparamdam niyo rin sa amin na mahalaga rin kami dahil kung hindi dahil sa amin, marahil walang magbibigay ng kulay sa mga buhay ninyo. Marahil hindi magiging masaya ang mundo kung wala kami. Pangunawa, respeto, pagmamahal at pagpapahalaga - yan lang ang tanging hiling namin na manggagaling sa inyo.
Ikaw? Sa tingin mo ba mas mahirap talagang maging babae kaysa sa maging lalaki? Kung hindi ang sagot mo, patunayan mo!




