Home » Archives » April 2009
Sapagka't ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. -Kawikaan 2:6

Matalino Ka Ba?

April 15, 2009

 

 

Madalas, ang konsepto natin sa pagiging matalino ay binabase lagi natin sa kung gaano kataas ang nakukuha nating grado sa iskwelahan. Kailangan hindi bababa sa 85-100% ang average mo para masabi na matalino ka nga talaga. Pero tama nga ba ang paniniwalang ito? Kung ako ang tatanungin mo, hindi ako sangayon dito. Para sa akin, ang katalinuhan ay hindi lamang binabase sa “academic achievement” o sa kung gaano kataas ang “I.Q. level” ng isang tao. Ang bawat indibidwal may kanya kanyang talento at katalinuhan na nakatago sa kailailaliman ng kanyang sarili. May mga taong magaling sa “mathematical equations” na kahit balibaliktarin mo ang tanong, nasasagutan niya parin ito ng tama pero ang problema, bobo siya sa “english grammar”. Mayroon ding sobrang galing sa “biology”, “chemistry”, “physics” at “science and technology” pero hindi marunong magspelling. May mga tao namang napeperpekto ang lahat ng pagsusulit sa lahat ng mga “subjects” pero walang sentido kumon. May mga tao ring 10 taon na sa high school pero alam tugtugin ang lahat ng instrumentong pang musika ng malinis na malinis at pinong pino.  Mayroon din namang mga taong tatanga tanga sumagot ng exam pero lahat ng sira sa “computer”, alam niyang ayusin. Mayroon din akong kilala na puro tres ang “grades” noong siya’y nasa kolehiyo pa lamang pero ngayon, presidente na siya ng isang kumpanya at kumikita na ng humigit kumulang P50,000 kada buwan. At mayroon ding hindi nakapagaral, hindi marunong magbasa o sumulat manlang pero alam kung paano patumbahin ang “white house” sa america. Bawat tao may sariling kakayahan at kahinaan kaya wala tayong karapatang humusga ng isang tao na bobo siya dahil lang sa mababa ang grado niya sa iskwelahan. Hindi porke magaling ka mag-english matalino ka na. At lalong hindi lang dahil flat 1 ka sa Rizal ay ikaw na ang pinakamatalinong nilalalang sa buong mundo. Isipin na lang natin na ang grado sa iskwelahan madalas nadadaya yan. May mga iskwelahan na pumasok ka lang araw araw, pasado ka na. May mga guro din na Pizza Hut lang ang katapat ng 95 na grade mo sa Hekasi. May mga istudyanteng maraming “sources” ng “leakage” kaya napeperpekto ang exam na minsan para hindi halata, mamalian niya ang isa o dalawa. Mayroon ding may “infrared” sa katawan na malalakas mangopya sa katabi, sa tagiliran sa likuran at sa harapan na madalas, mas mataas pa ang iskor niya kesa dun sa kinopyahan niya. At higit sa lahat, hindi nawawala ang Recto na kung saan pwede nang pekein ang lahat simula sa card hanggang sa diploma. Nakakatuwang isipin pero hindi natin maitatangging totoo nga yan at masasabi nalang natin na “oo nga noh?!”. Kaya heto ang dahilan kung bakit hindi ako nabibilib sa mga taong “genius” o “gifted child” kuno dahil lahat tayo, ginawa ng Diyos na “gifted”. Ang problema nga lang, may mga tamad mag-aral  samantalang may subsob sa pagsusunog ng kilay. May mga magagaling pero hindi alam kung saan gagamitin. Kaya buksan natin ang ating isipan! Minsan tanungin natin ang ating sarili bago tayo magpayabangan ng “grade”, ako ba talaga gumawa ng grade na ito? At bago natin sabihin na bobo o tanga ang isang tao dahil lang sa simpleng pagkakamali nito, isipin mo rin kung ikaw ba di ka rin ba nagkamali? Ikaw? Sa tingin mo? Matalino ka ba?

Posted by lizeth at 8:31 pm | permalink | comments[26]

Mahirap Maging Babae!

April 12, 2009

   

Dalawa lang naman ang tao sa mundo, ang lalaki at ang babae. Pero parang naging madaya yata ang tadhana para sa aming mga babae. Kung akala ninyo masaya at madali lang ang maging babae, nagkakamali ka. Mahirap po. Tulad nalang noong unang panahon, ang mga babae ay di binibigyan ng karapatan para makapagaral o makapagtrabaho man lang. Ang tingin nila sa mga babae, mga alipin - sinasaktan, binubugbog, kinukulong sa bahay, ginagawang “sex slave” at tinatapakan ang pagkatao. Pasalamat na lang kami dahil hindi na namin inabot ang panahong yoon pero kung iisipin at babalikan mo, nakakalungkot parin.

Sinong babae ang di nakakaranas ng buwanang dalaw? Yun pa nga lang ay isa nang malaking parusa para sa amin. Lalo pa’t kapag sinumpong kami ng “Dysmenorhhea o menstrual cramps” na kung saan sumasakit ang puson ng sobra sobra na kahit anong gawin mo, hindi nawawala ang sakit. Kaya nga nauso ang pangaasar na kapag masungit at mainit ang ulo ng babae, ibig sabihin may dalaw. Totoo po yun dahil sobrang sakit talaga nun. Isusumpa mo talagang maging babae pag naranasan mo yun!

Mahirap din maging babae pagdating sa pagibig. Bakit? Simple lang. Dahil hindi kami pwedeng manligaw. Kami pa ang dapat maghintay para sa taong gusto namin. Pano nalang kung hindi dumating ang panahon na ligawan kami ng tanging lalaking natitipuan namin, mamumuti nalang ba ang buhok namin kakahintay dahil hindi kami pwedeng gumawa ng “first move”? Hay buhay!

Sa lalaki, walang nawawala, pero sa mga babae, ang pagkabirhen namin ang tanging yaman na pinakakaingat ingatan namin. Pero minsan may mga lalaking pilit na inaagaw yun sa amin. Pwersahan kaming pinipilit sa gusto nilang mangyari, rape kung tawagin. Ang lalaki ba narerape? Hindi. Ang mga babae lang. 

Sabi nila, ang mga lalaki daw ay likas na babaero at hindi makuntento sa isa. Kung totoo man yun hindi mo ba alam na babae nanaman ang magdurusa. Hindi lamang dahil masakit sa damdamin ang malaman namin na may ibang babae ang lalaking minamahal namin pero kapag dumating sa puntong nagkasakit na ang lalaki dahil sa paggamit sa iba’t ibang mga babae, ang mga babae nanaman ang kawawa. Kadalasan kasi kapag tinamaan ng STD (Sexually Transmitted Disease) ang lalaki, hindi sila nakakaramdam ng kahit anong sintomas, kaya hindi nila alam na may sakit na pala sila. Pero kapag nahawaan na niya ang babae, kami ang makakaramdam ng lahat ng hirap na dulot ng sakit na STD. Unfair diba?

Hindi dadami ang tao sa mundo kung walang babae. Walang lalaki kung walang babae. Walang tao kung walang babae. Dahil kami lamang ang may kakayahang manganak at magdala ng bata. Sabi ng mga nanay natin, ang pagdadalang tao daw ang pinakamahirap na tungkulin ng isang babae. Walang kasing hirap ang manganak at magluwal ng sanggol. Dadalhin namin ang bata ng 9 na buwan. Titiisin namin ang hirap ng pagbubuntis lalo na ang hirap ng panganganak. Buhay namin ang nakataya, kalahati ng katawan namin nakabaon sa hukay sa tuwing magdadalang tao ang isang babae. Pagkatapos kami rin ang maghihirap sa pagpapalaki sa kanila. Malas pa kung iiwanan din lang kami ng lalaking kasama namin sa paggawa ng batang iyon. Isang panghabang buhay na paghihirap.

Marami pang dahilan bukod dito kung bakit nasasabi kong mahirap maging babae. Marahil kulang ang isang araw para maisulat ang lahat ng iyon. Siguro hindi niyo malalaman kung gaano talaga kahirap hanggat hindi niyo mararamdaman. Kaya sana sa bawat hirap na pinagdadaanan ng isang babae, hiling namin na maisip  rin ninyo kung paano pahalagahan ang mga katulad namin. Dahil mahirap man, makakayanan namin lagpasan ang lahat ng iyon kung may mga taong marunong magpahalaga sa bawat sakripiyo at pagtitiis namin alang alang sa inyo. Ang mga babae ay nilikha ng Diyos para sa mga lalaki, para may makakasama siya sa pagtakbo ng buhay kaya nararapat lang siguro na iparamdam niyo rin sa amin na mahalaga rin kami dahil kung hindi dahil sa amin, marahil walang magbibigay ng kulay sa mga buhay ninyo. Marahil hindi magiging masaya ang mundo kung wala kami. Pangunawa, respeto, pagmamahal at pagpapahalaga - yan lang ang tanging hiling namin na manggagaling sa inyo.

Ikaw? Sa tingin mo ba mas mahirap talagang maging babae kaysa sa maging lalaki? Kung hindi ang sagot mo, patunayan mo!

Posted by lizeth at 7:42 pm | permalink | comments[16]